passion

My Passion

Aktion

Chicklit

Fantasie

Neue Erwachsene

Paranormal städtisch

Romanze

Dampfig

Suspense-Thriller

YA/Jugendliche

Bibliothek
searchsearch
dede

DE

Recursion - Kapitel #5 - von Maria Ana Cruzate

Recursion

/

Kapitel 5

Chapter 3

Andrew’s P.O.V.

“Dumating na pala ‘yung magbabakasyon dito na manunulat?” sabi ko nang maibaba ko ang malalaking kahoy na dala ko. Mataas na ang sikat ng araw sa labas pero hindi ko pa rin binubuksan ang gift shop na pagmamay-ari rin namin ng pamilya ko. Karamihan sa mga tinda ng shop namin na ‘to ay gawa sa inukit na kahoy. Wala rin akong planong magbukas ngayon.

“Talaga po?! Nand’yan na po siya?!” Nae-excite na tanong ng anak kong si Kristine. Nakapalibot sila sa bilog at maliit na lamesa kung saan nasa ibabaw ang mga tasa ng kape, plato tinapay at palaman.

“Oo, dumating siya kagabi,”sagot ng asawa kong si Aileen habang nagpapalaman ng tinapay.

“Sabi na mommy, dapat nagpuyat na lang ako kagabi,” nakalabing sabi ni Kristine. Hindi pa siya nakasuklay kaya sobrang buhaghag ng kulot niyang mga buhok.

“Malalim na ang gabi nang dumating siya dito, saka nang pumasok ako sa kwarto mo eh naghihilik ka na. Paano mo pa magagawang magpuyat?!” napapailing na tugon ng asawa ko bago bumaling ng tingin sa akin. “Halika na dito at mag-almusal ka muna bago mo trabahuhin ‘yang mga kahoy na ‘yan.”

Tumalima ako at umupo na sa nakareserbang upuan na para sa akin. Inabot ko ang tinapay na pinalaman ni Aileen at kinagatan ‘yon. Naisip kong hindi na muna ako magbubukas ng shop ngayon. “Kumusta naman siya? Mukha bang mabait at hindi gagawa ng gulo?”

“Mukha naman. Walang kayabang-yabang sa katawan. Parang hindi sikat na manunulat kung kumilos,” sinundan ni Aileen ng paghigop ng kape ang sinabing iyon. Kilala ko siya bilang magaling manuri ng isang tao sa unang tingin pa lang. Pero siyempre, hindi lahat ng sinasabi niya ay palaging tama. Ilang beses na rin siyang nagkamali. Ilang beses na kaming muntik nang mapahamak. Ang problema kasi sa asawa ko, mabilis siyang magtiwala.

“Mabait po talaga siya, mommy. Kaya nga po ang dami niyang followers sa Wattpad at Facebook page niya,” dagdag pa ni Kristine habang ngumunguya.

“Ayan na naman kayo sa bait-bait na ‘yan. Ang kabaliwan ng isang tao, wala ‘yan sa hitsura. Nasa pag-iisip niya ‘yan,” tugon ko.

“Daddy, hayaan ninyo na po siya sa akin. H’wag ninyo na po siyang pakialaman,” nakangiting sabi ni kristine. “Ako pong bahala sa kanya.”

“No’ng huling beses mong sinabi ‘yan, Kristine, muntik na tayong mapahamak. Alam ninyo naman ang gusto ko ‘di ba? Tahimik na buhay sa lugar na ‘to,” seryosong sagot ko. Inilibot ko ang paningin ko sa paligid. Makalat ang mga kahoy. Marami ring langaw na lumilipad. At may mga sariwang karne na nasa timba hindi kalayuan sa amin. Mga giniling na karne na gagamitin ng asawa ko sa mga lulutuin niya mamaya para sa mga kakain sa Vida Feliz Cafĕ. Napailing ako. “Ipalinis mo na ‘tong kalat mamaya kay Tony nang makapagbukas na ulit ako ng shop ko.”

“Sige, ako nang magsasabi sa kanya,” ani Aileen. Nakangiti siyang muling nagpapalaman ng tinapay. Gustung-gusto niya kasi na pantay ang pagkakalagay niya ng palaman. Kapag may kaunting lumampas, itatapon na niya ang tinapay.

“Siguraduhin niya kamo na ibabaon niya nang malalim ang mga matitirang buto d’yan sa timba. Mahirap na. Baka umalingasaw pa rin ‘yan kahit konti na lang ang laman,” dagdag ko pa.

“Bukas ng umaga, wala na ang mga kalat na ‘yan. Mabilis namang magtrabaho ‘yon si Tony, kayang-kaya niya na ‘yan.” Inabot ni Aileen kay Mama ang kutsilyo na ginagamit niyang pamplaman kanina. Kumislap pa iyon dahil sa talim. Mukhang nahasang mabuti ng asawa ko.

Nabaling ang tingin ko sa bagay na nasa ibabaw ng platitong kaharap ng Mama ko na nasa mahigit otsenta na ang edad. Tatlong pirasong malambot na bagay na may kalahating dangkal ang mga haba. Nang sinimulan niya iyong hiwain gamit ang matalim na kutsilyo ay sumirit pa ang mapupula at malalagkit na likido mula doon. Mabuti na lang at sa hindi iyon tumama sa damit niya. Napangiwi ako nang makita ko ang kakaibang ngiti sa mga labi ni Mama at ang kislap sa kanyang mga mata, halatang enjoy na enjoy siya sa ginagawa niya. Lalo na ng isubo niya ang isa sa mga daliring hiniwa niya. Nilunok ko muna ang kinagat kong tinapay bago muling nagsalita. “Ikaw Kristine, bantayan mo ‘yang Lola Harlie mo. Kung sikat na manunulat ‘yang idolo mo na nandito ngayon sa lugar natin, ilayo mo siya d’yan sa lola mo. Kung ayaw mo na pare-pareho tayong mapahamak dito.”

******

JUNICA’S P.O.V.

Nakasisilaw na liwanag na tumatagos mula sa nakababa at manipis na kurtina ang sumalubong nang imulat ko ang mga mata ko. Muli tuloy akong napapikit habang inaabot ang cellphone sa ibabaw ng maliit na tokador na katabi ng kama ko.

‘Alas otso na pala?’ bulong ko nang makita ko ang oras mula sa hawak ko. Ibabalik ko na dapat iyon nang biglang mag-ring. Saka ko lang napansin na may mahigit sampung missed call na pala kasi si Ms. Amor Flores. Nagpaparamihan yata sila ng tawag ni Mama.

“Oh my God, Junica! At last, sinagot mo na ang tawag ko! Alam mo bang malapit nang mapudpod ang daliri ko kaka-dial ng number mo?!” bungad agad sa akin ni Ms. Amor. Siya ang edito ko sa publishing company kung saan ako nagsusulat.

“Good morning, editor,” medyo inaaantok na sagot ko.

“Konti na lang talaga maba-bad morning na ako. Kung hindi mo lang sinagot ang tawag ko, baka sirang-sira na ang araw ko ngayon!” medyo O.A. pang sabi ni Ms. Amor. “Nasaan ka ba ngayon? Bakit buong araw kong hindi makontak ang number mo kahapon?”

“Nagbabakasyon lang po.” Bumangon na ako at naglakad papunta sa may bintana upang buksan ang kurtina. At nang buksan ko ang bintana ay pumasok sa loob ng kwarto ang malamig-lamig pang simoy ng hangin na dahil na rin sa mapunong paligid. Napapikit tuloy ako para mas maramdaman iyon.

“Bakasyon? Saang lugar ‘yan?! Bakit hindi ka man lang nagpaalam sa akin?!” mataas na ang boses ni Ms. Amor. Minsan talaga, medyo O.A. magsalita at mag-isip ‘tong editor ko. Kung ang ibang writer niya ay takot kapag nagtataas siya ng boses kagaya ngayon, ako naman ay tinatawanan ko na lang ‘yon. Wala eh. Nakasanayan ko na lang din na ang dating sa akin ng pagsusungit ng boses niya ay paglalambing.

“Malapit lang po, editor.”

“Saan nga?” pangungulit pa niya.

Napapangiti akong umiling. Hindi yata talaga magpapatalo ang kausap ko. “Sa Barrio San Vicente po.”

“Sa may bandang norte na ‘yun ‘di ba? ‘Yung lugar na binanggit mo sa akin dati? Kasama mo ba ang parents mo?” bumakas ang pag-aalala sa boses niya.

“Hindi po. Matanda na ako editor, kaya ko na ang sarili ko,” natatawang sagot ko. 27 years old na kasi ako, kaya bakit kailangan pa akong samahan ng parents na magbakasyon?!

“Pero alam naman nila kung nasaan ka ‘di ba? I mean, ‘yung address d’yan o kung paano pumunta d’yan. Binigay mo ba sa kanila ang information na ‘yun?” tila walang katapusang tanong pa niya.

“Opo,” pagsisinungaling ko. Alam ng parents ko na nasa norte ako pero hindi exactly kung saan. Baka kasi bigla na lang silang sumulpot dito at sunduin ako. “Saka, nandito rin po ako para subukang magsulat ulit. Alam ninyo na, baka dito ko mahanap ‘yung inspirasyon ko na bigla na lang nawala.”

Narinig ko sa kabilang linya ang malalim na pagbuntong hininga niya. “Oh sige, sana nga makapagsulat ka na. Kasi marami ng readers ang naghihintay sa magiging bagong nobela mo.”

“Sana nga po, editor. Nami-miss ko na rin talaga magsulat eh.” Ako naman ang naalungkot. Sa totoo lang, mahirap para sa isang writer na kagaya ko ang hindi makapagsulat. Lalo na at ito lang ang alam ko na kaya kong gawin. Ang kagaya kong ipagmalaki sa mga magulang ko, at sa mga tao na minsan akong sinabihan na walang mararating sa buhay. Ito lang ang kaya kong gawin… Pero noon ‘yun. Hindi na ngayon. Para bang hindi ko na kayang magsulat pa ni isang salita na para sa nobela ko.

“Junica, okay ka lang ba d’yan?”

Pasimple akong bumuntong hininga at naglakad na patungo sa upuan, na kaharap ang isang study table kung nasaan ang laptop ko. “Oo naman po, editor. Pero ibababa ko na rin po ‘tong tawag. Subukan ko munang magsulat kahit scratch na plot lang.”

“Okay. Balitaan mo ako, kaagad ha? Ingat ka d’yan at h’wag mo akong kalimutan na i-update, time to time,” bilin niya.

“Yes po, editor.” Binuksan ko na laptop habang ang cellphone ay nakaipit sa pagitan ng tainga at balikat ko.

“And Junica, one more thing…”

“Ano po ‘yun?” tanong ko. Nabakasan ko ang kaseryosohan sa boses niya kaya nang magbukas na ang laptop ko ay hinawakan ko na muli ng isang kamay ang cellphone ko.

“Mag-iingat ka d’yan, ha? Tawagan o i-text mo ako palagi.”

Napangiti ako sa sinabi niya. Limang taon lang naman ang tanda niya sa akin pero halos naging nanay-nanayan ko na siya pagdating sa mundo ng pagsusulat. Siya kasi ‘yung umalalay sa akin at nagtama ng mga mali ko sa pagsusulat ng isang nobela. At siya ang dahilan kung bakit at paano ko natupad ang isa sa mga pangarap ko. Ang maging isang manunulat at magkaro’n ng sariling mga libro.

“I will, editor. Thank you po. Bye.”

Muli ako napabuntong hininga bago isinandal ang likod ko sa kahoy na sandalan ng upuan. Bumaling ang tingin ko sa nakabukas na laptop. Halos mag-iisang taon na rin akong hindi makapagsulat. Hindi ko na nga rin maintindihan ang sarili ko. Dati naman, isang buwan lang ay nangangalahati na ako sa nobelang isinusulat ko. Pero ngayon, ni walang ideya na pumapasok sa isip ko para gawin kong plot.

Hindi madali para sa isang manunulat ang hindi makapagsulat. Para sa amin ay isa talagang malaking problema ang pag-atake ng salitang writer’s block. Winawasak nito ang aming imahinasyon. ‘Yung gustung-gusto ko nang makapagsulat, pero ayaw makisama ng isip ko. Hindi ito isang katamaran lang. Isa itong sumpa para sa aming manunulat.

Napapailing na muli kong sinarado ang laptop ko. Ayoko ng pilitin pa. Wala talaga akong maisusulat ngayong umaga. Nabaling ang tingin ko sa picture frame na katabi ng laptop ko. Hindi ko na napigilan ang ngiti ko bago iyon inabot. Ang picture namin ng nag-iisa kong kapatid na si Angel. Ang nag-iisang tao sa buhay ko na nakakapagpagaan ng loob ko.

*****

“Ang ganda naman ng kamay mo ‘neng.”

Mula sa kaharap kong laptop ay napataas ang tingin ko sa matandang babae na hindi ko namalayang nakalapit na sa akin, at nakaupo sa katapatan kong upuan. May maliit na lamesang nakapagitan sa amin. Matamis ang ang pagkakangiti ng kanyang maputla at medyo bitak na mga labi. Malalim ang wrinkles sa kanyang mukha at leeg. Pero mukhang masayahin ang bilugan niyang mga mata.

Bago magtanghalian kanin ay lumabas na ako ng kwarto ko at pumunta dito sa Vida Feliz Café para pagsabayin ang almusal at tanghalian. Ang alam ko ay pagmamay-ari din nina Tita Aileen ang coffeeshop na ito na hindi naman kalakihan pero sakto lamang para sa maliit na Bario San Vicente. At dahil dito lang may wifi connection ay naisipan kong dito na rin magpalipas ng oras.

“Ano po ‘yun, Lola?” Tanong ko nang maalis ko ang earphone mula sa magkabila kong tainga. Narinig ko naman ang sinabi niya. Gusto ko lang makasigurado na hindi ako nagkamali ng pagkakaintindi.

“Ang sabi ko, napakaganda ng kamay mo ‘neng. Pwede ko bang mahawakan ang mga kamay mo?” balik tanong niya.

Kumunot ang noo ko bago pilit na ngumiti. “S-Sige po.”

Inilapit pa ng matandang babae ang kanyang upuan sa akin. At bago ko pa maiabot ang mga kamay ko ay nagawa niya na iyong hawakan at bahagyang hinila. Naramdaman ko ang gaspang ng kulubot niyang mga kamay sa balat po. Hinaplos niya ang mga palad ko hanggang salikod nito kasunod ang marahang pagpisil. Sa totoo lang ay medyo nawi-weird-an ako sa ginagawa niya. Lalo na sa malaking ngiti sa kanyang mga labi at kakaibang kislap sa mga mata. Para siyang bata na ngayon lamang nakakita o nakahawak ng pares ng mga kamay ng isang tao.

“Napakaganda ng mga kamay mo…” aniya bago iyon bahagya pang hinila at inihaplos sa kanyang ma-wrinkles na pisngi. Lalo akong napakunot ng noo nang ipikit niya pa ang kanyang mga mata upang damhin ang mga kamay ko. Gusto ko na nga sana itong bawiin kaya lang ay nag-alangan ako, dahil sa tuwing susubukan kong gawin iyon ay humihigpit ang pagkakahawak niya sa mga kamay ko.

“Naku Lola Harlie! Nand’yan lang po pala kayo, kanina ko pa po kayo hinahanap!” Isang babae ang humahangos na lumapit sa amin. Medyo may katabaan siya pero hindi naman sobra, bilog ang mga mata niya, may dimple sa kanang pisngi at hanggang balikat ang kulot na buhok. Malaki ang pagkakahawig niya kay Tita Aileen, kung hindi ako nagkakamali, ito ang anak na tinutukoy niya kagabi. “Naku pasensya na po kayo sa lola ko, ganito lang po talaga siya pero – J-Junica? Ms. Junica Alcantara?!”

Nakangiti akong tumango nang magkasalubong ang tingin namin ng babae.

“Naku! Ikaw pala ‘yan! Sandali lang ha. Myra! Myra, pakialalayan nga si Lola Harlie dito!” tawag niya bago lumapit ang isa pang babae na tinawag niyang Myra.

Binitawan naman na ni Lola Harlie mga kamay ko nang alalayan siya ni Myra, at naglakad sila pabalik sa may counter na may pinto papasok ng kusina nitong coffe shop.

“Ikaw pala ‘yan Ms. Junica, hindi kaagad kita nakilala! Ang ganda-ganda mo lalo sa personal! I’m Kristine nga pala, anak no’ng babae na sumalubong sa pagdating mo kagabi,” pakilala ni Kristine sa sarili niya pagkatapos na umupo sa kanina lang ay pwesto ni Lola Harlie. Inilahad pa niya ang kamay niya na nakangiti ko namang inabot. “Ang lambot-lambot ng kamay mo! Grabe! Ang ganda-ganda mo talaga! Sobrang fan mo ako kahit sa Wattpad pa lang nagsusulat dati.”

“Talaga?” nakangiti kong tanong. Tant’ya ko ay nasa 16 o 17 yeats old na ‘tong si Kristine. Hindi na ako magtataka dahil karamihan talaga sa mga nagiging readers ko ay kabataan na kagaya niya.

“Oo! Sobra! Halos nabasa ko na nga ‘yung lahat ng sinulat mo. At kumpleto rin ako ng mga books mo na ino-order ko pa sa Shopee at Lazada! Mamaya dadlahin ko ‘yun sa kwarto mo para papirmahan sa ‘yo, okay lang ba?” Bakas na bakas sa kanya ang sobrang excitement habang kausap ako.

“Oo naman,” nakangiti ko pang sagot. Ako na ang bumawi ng mga kamay ko nang hindi niya ito kaagad binitawan.

“Sobrang favorite ko talaga ang mga stories mo, lalo na ‘yung pinakahuli na ‘Habulang Saksakan’, sobrang morbid no’n pero sobrang nagustuhan ko. Nabitin nga ako eh. Pero pansin ko lang, parang wala ka pa rin ngayong sinusulat sa Wattpad. May pinaghahandaan ka ba ng bagong nobela? Siguro kaya ka nandito kasi gusto mong gawin set up ng story mo ang barrio namin ‘no? Baka naman pwede mo akong gawing bida? O kahit kontrabida pa. ‘Yunt tipong ako ‘yung humahabol at sumasaksak! Gustung-gusto ko ‘yon! Lalo na kapag lumalabas na ‘yung laman loob nila! Tapos dudurugin ko gamit ang mga kamay ko.”

Hindi ko kasi alam kung matatawa ba ako o mawi-weird-an sa mga sinasabi ni Kristine. Para kasing nagde-day dreaming pa siya habang nagsasalita. Iniimagine niya yata na ginagawa niya talaga ‘yung mga sinasabi niya. Mahilig akong magsulat ng madudugong kwento pero never kong naimagine ang sarili ko na humahabol at sumasaksak ng isang tao o kahit hayop pa.

“S-Sorry… A-ang ibig kong sabihin, sa nobela mo. Gusto kong maging gano’n sa nobela mo lang siyempre.” Biglang bawi niya sa mga sinasabi niya ng mapansin na ang pagtataka sa mukha ko. Inilabas niya ang cellphone mula sa bulsa niya bago lumapad ang ngiti sa mga labi niya. “Pwede bang magpa-picture.”

“Oo naman, sa cellphone ko rin mamaya,” nakangiting sang-ayon ko. Idinikit niya na ang upuan niya sa tabi ko bago kami nag-selfie na dalawa, pagkatapos ay sa cellphone ko naman kami nag-picture.

“Grabe! Maiinggit ang mga kaibigan ko nito! Ita-tag kita ha? Ay hindi mo pa pala naa-accept ‘yung friend request ko,” sabi niya.

“I-add mo ulit ako tapos i-tag mo ako s apicture, para ma-accept ko,” nakangiting sagot ko.

“Yehey! Sabi mo ‘yan ah! Teka, ire-refresh ko lang ‘yung friend request ko sa ’yo.”

Hindi na bago sa akin ang ganitong reader na lumalapit at nagpapa-picture. Nakakatuwa at nakaka-touch at the same time. Minsan nga hindi pa rin ako makapaniwala na nakikilala na talaga ako sa iba’t-ibang lugar. Ang lakas lang maka-artista ng feeling.

May iba pang sinabi si Kristine na hindi ko na halos naintindihan. Inilibot ko ang panign ko sa paligid, para kasing bigla kong naramdaman na may nakatingin sa akin. Hindi nga ako nagkamali ng magtama ang tingin ng mga mata namin ng isang lalaki na nakapwesto hindi kalayuan mula sa akin.

Siya ‘yung lalaki kagabi. Nakasuot pa rin siya ng cap pero hindi na nito natatakpan ang mga mata niya. Kaya ngayon ay sigurado ako na nasa akin ang tingin ng singkitin niyang mga mata. Habang ang mga kamay niya ay may hawak na tasa ng kape na umuusok pa.

“Ayan! Na-refresh ko na Ms. Junica, accept mo please!” ang boses ni Kristine na pumutol ng pagtititigan namin ng estrangherong lalaki.

“Oo naman, ia-accept ko kaagad mamaya.”

“Thank you! Oh sige babalik muna ako sa counter, baka maabutan ako ni mommy na ginugulo kita dito. Enjoy your meal! Nice meeting you ulit!” sabi niya bago siya tumayo at nagmamadaling umalis.

Muling bumalik ang tingin ko sa lalaki. Sakto namang ibinaba na niya ang hawak niyang tasa na pakiramdam ko ay hindi pa nangangalahati ang laman, o lumalamig man lang, dahil umuusok pa rin iyon. Tumayo na siya, saglit niya pa akong tinapunan ng tingin bago napapailing na lumabas ng Vida Feliz Café.

Nach oben wischen um fortzufahren

Chapter 4

Napalingon ako sa pinto nang makarinig ako ng ilang mararahang kaatok. Saglit ko pang kinuskos ng towel ang basa kong buhok bago iyon isinabit sa may sabitan sa pader. Dalawang beses kasi akong maligo sa isang araw, isa sa umaga at isa pa kapag ganitong pagabi na.

“Hi Ms. Junica!” Masiglang mukha ni Kristine na malapad ang pagkakangiti ng mga labi ang sumalubong ng buksan ko ang pinto.

“Hi Kristine. Ikaw pala ‘yan.”

“Busy ka ba?” tanong niya.

“Hindi naman. Bakit? May kailangan ka ba?” may pag-aalinlangan na balik tanong ko. Mag-aalas-syete pa lang naman ng gabi pero plano ko sanang subukan na gumawa ng plot para sa nobela ko. At hindi ko ‘yun magagawa kung may ibang tao dito sa kwarto ko.

“May dala kasi akong pagkain. Luto ni Mama kanina. Pasta with meatballs, special recipe niya ‘to.” At bago ko pa siya mapigilan ay bahagya na niyang naitulak ang pinto at tumuloy nang pumasok sa loob ng kwarto ko dala-dala ang pagkain na hawak niya. Inilibot niya paningin sa paligid. “Ang konti pala ng gamit mo ‘no?”

Tuluyan na akong walang nagawa kaya isinarado ko na lamang ang pinto. Mukha kasing hindi siya aalis kaagad. “Hindi ko rin naman kasi kailangan magdala ng maraming gamit. Para hindi na rin ako mahirapan na magbitbit kapag aalis na ako,” tugon ko. Lumapit ako sa laptop at isinarado iyon nang akmang lalapitan niya. Pinaka-ayoko sa lahat ‘yung may naunang nagbabasa ng mga sinusulat kong draft.

“Sabagay, tama ka,” aniya habang patuloy sa paglalakad at naglilibot pa rin ang mga tingin. Naglakad siya patungo sa may malaking estante na may nakalagay na mga picture frame. “Hala, kapatid mo ‘to!? Ang cute naman!”

“Oo.” Nagsalubong ang kilay ko bago pasimpleng bumuntong hininga. Lumapit ako sa kanya at kinuha na ang dala niyang pagkain. Iniisip ko na baka sakaling kapag naibigay na niya ang pakay niya, ay lumabas na siya ng kwarto ko. “Kunin ko na ‘tong pagkain ha?”

“Ay oo nga pala. Sorry, nakalimutan ko na,” natatawang sagot niya. Bumitaw naman ang kamay niya mula sa pagkakahawak ng paper bag na may laman na tupperwear. Tumalikod ako mula sa kanya upang mailapag ang pagkain sa sa lamesa na kunwa’y binubuksan ko na.

Naramdaman ko ang muli niyang paglalakad na tila enjoy na enjoy pa rin sa pagtingin ng mga gamit ko. “Mas okay na iinit ‘yan. Mas masarap. Actually, hindi ko pa nga natitikman ‘yan eh. Nag-volunteer lang kaagad ako kay mommy na dalhan muna kita. Kaya sana lang may natira pa do’n kasi baka pagbalik ko do’n, ubos na.”

At dahil nakatalikod ako mula sa kanya at hindi ko na napigilan na kumunot ang noo ko. Fo real?! Magdadala siya ng pagkain dito sa kwarto ko tapos magpaparamdam siya na baka wala nang matira sa kanila na para sa kanya?! Mapait akong ngumiti pero hindi humarap sa kanya. Hindi ko na kasi mapigilan ang pagkainis sa mukha ko. “Gusto mo, paghatian na lang natin ‘tong dala mo? Mukha namang marami eh.”

Nagmamadali siyang lumapit sa akin kaya kaagad ko ring tinanggal ang pait mula sa pagkakangiti ko. “Talaga?! Okay lang!?”

“Oo naman. Sandali lang, kukuha lang ako lalagyan.”

“Iinit mo muna ‘yan sa microwave. Mas masarap kasi ‘yan kapag medyo natutunaw ‘yung keso sa ibabaw,” biglang sabi niya.

“Uhm. Okay, sige,” tumango-tangong sabi ko. Binibit ko na ang dala niyang pagkain. Nakita ko pa siyang umupo sa swivel chair na tila pinapakita sa akin na willing siyang maghintay. Pumasok na ako sa maliit na kusina at inilagay na sa loob ng microwave ang bukas na tupperware na may lamang pasta.

“Alam mo, hindi pa rin ako makapaniwala na kasama kita ngayon sa iisang kwarto,” naririnig kong sabi niya. “Imagine, dati-rati nakikita lang kita sa mga live video mo sa Facebook at IG. Tapos ngayon, kasama na kita. Dream come true talaga sa akin na makita ka ng personal Ms. Junica. Naalala ko ‘yung first story na sinulat mo. ‘Yung tungkol sa salamin. Hindi ba ‘yun din ang unang nobela mo na naging pelikula?”

“Oo, pero kung hindi pa nag-ten million reads sa Wattpad ang story ko na ‘yun, hindi rin ‘yun kaagad na mapapansin,” sagot ko. ‘Yon ang kauna-unahang nobela na natapos kong isulat. ‘Yon din ang dahilan kung bakit at paano ako naging isang sikat na writer. Nang maka-five million reads kasi ‘yun ay saka ako na-offer-an ng isang publishing company na gawing physical book ang nobela ko. Nang maging ten million reads naman ay saka iyon naging isang pelikula. Ganito kasi sa industriya naming mga manunulat, kailangan sobrang husay mong magsulat, o sobrang sikat mo sa mga social media para mapansin ka ng mga publishing company at ma-offer-an ng isang contract. Hindi naman ‘to nag-aapply sa pangkalahatan. Pero madalas na nangyayari lalo na sa panahon ngayon. Ang pagsusulat kasi para na ring pag-aartista. Mas tinitingnan ng iba ang kasikatan mo kaysa kahusayan mo sa pagsusulat.

Inilagay ko na ang mga kubyertos sa ibabaw ng mga platong kinuha ko. Mabuti na lang at tatlong pares ng mga kubyertos, plato at baso ang dinala ko dito kahit wala naman akong inaasahan na bisita. Napapailing na dinala ko na ang mga iyon bago naglakad. Ilalagay ko na lamang muna ito sa lamesa para pagbalik ko sa kusina ay ang iniinit ko na lang na pagkain ang kukunin ko.

“A-anong ginagawa mo sa bag ko?” may pagtataka kong tanong nang maaabutan ko si Kristine na tila may kung anong hinahanap sa loob ng maleta ko na nasa tabi ng kama. Hindi ko pa kasi ‘yun naaayos lahat.

“Ah ano… W-Wala. May nakita kasi akong daga kanina. P-parang ano… Ah… Parang pumasok yata dito kaya gusto ko lang i-check,” bakas sa boses ni Kristine ang pagkataranta. Namutla rin siya bigla.

“Gano’n ba? Parang wala naman akong napansing daga o ipis mula nang dumating ako dito.”

Naging malikot ang mga mata ni Kristine na halos hindi na makatingin sa akin ng maayos. Tuluyan ko na ring hindi napigilan ang pagkunot ng noo ko. Napansin ko ang pamumuo ng pawis sa noo niya kahit nakabukas naman ang aircon sa loob ng kwarto. Wala na akong maapuhap na salitang sasabihin at alam ko na gano’n din si Krsitine.

Ting!!!

Sabay kaming napapitlag at napalingon sa may kusina nang tumunog ang microwave oven. Tanda na tapos nang iinit ang pagkain na inilagay ko do’n.

“Ah… S-Sige, Ms. Junica, aalis na rin ako. Baka pagalitan pa ako ni mommy kasi kinukulit kita dito.” Kaagad siyang tumayo at inilagay ang isang kamay sa bulsa ng kanyang short. Naglakad siya patungo sa may pinto. “Enjoy your pasta.” Nginitian niya pa ako at kinawayan bago tuluyang lumabas.

Napapailing na inilagay ko ang mga hawak ko sa ibabaw ng lamesa bago nilapitan ang bukas kong maleta. Wala namang importanteng gamit do’n kaya hindi ako masyadong nag-aalala. Halos nailabas ko na rin ang mga gamit ko upang i-check kung may daga ba talagang pumasok, o kung may nawawala ba akong gamit. Napapailing na ibinalik ko na ang mga iyon sa loob. Muli ko na sanang isasarado ang maleta nang saglit akong mapahinto. Para kasing may kulang doon. Pero puro damit na lang naman ang laman nitong maleta ko, at sigurado ako na wala namang nawawala sa mga ‘yon. Tumayo ako at bahagyang lumayo upang pagmasdan ng buo ang maleta ko.

Lalong kumunot ang noo ko. Alam ko na kung ano ang kulang sa gamit ko. Ang keychain na gitara sa zipper ng maleta ko.

Nach oben wischen um fortzufahren

Chapter 5

“Eh siya nga lang ang lumapit dito sa table ko! Sino pa ba ang ibang kukuha ng bracelet ko dito!”

Bago pa ako makaupo ay napatingin ako sa sumigaw na customer sa loob ng Vida Feliz Café . Inilagay ko na ang gamit ko sa isa pang bakanteng upuan na nasa tabi ko at ang laptop bag sa ibabaw ng lamesa bago ako tuluyang umupo. Ang mga tingin ko ay nasa isang customer pa ring sumisigaw na dinuduro-duro si Kristine na nasa may counter, habang si Tita Aileen naman ay sinusubukang pakalmahain ang customer na tant’ya ko ay isang highschool student. Naka-school uniform kasi ito.

“Isoli na lang kasi ng babae na ‘yan ang bracelet ko para tapos na ang usapan. Hindi naman mamahalin ‘yun eh!” muling sigaw ng estudyante na tila walang pakialam kung pinagtitinginan na siya. Mabuti na lang at medyo maaga pa kaya hindi pa gaanong marami ang tao sa loob ng café.

Mula sa pwesto ko sa sulok ay napatingin ako sa bulsa ng suot na apron ni Krsitine. Naando’n kasi ang kamay niya na tila may hawak na kung ano.

“Ginawa na naman niya…”

Kumunot bigla ang noo ko nang maptignin ako sa lalaking nakaupo na sa may harapan ko. Ni hindi ko siya namalayang lumapit sa akin. Ang misteryosong lalaki na isa sa mga una kong nakita mula ng makarating ako sa lugar na ito.

“What do you mean?” wala sa loob na tanong ko habang pinagmamasdan ko siya. Tama ako, mas gwapo siya sa malapitan. Singkitin kasi ang mga mata niya, matangos ang ilong at tila natural ang pagkapula ng mga labi. Malapad din ang balikat niya, kahit nakaupo siya alam kong matangkad siya at mukhang alaga sa gym ang katawan niya.

“C’mon, alam kong alam mo ang ibig kong sabihin.” Nakangiti at napapailing na sagot niya. Lumabas tuloy ang dimple niya sa kanang psingi. Bumaling ang tingin niya sa kinatatayuan ni Kristine at gano’n din ang ginawa ko. “This is not the first time na may nagwalang customer dahil sa bagay na kinukuha niya. I mean, dahil sa bagay na… ninanakaw niya.”

“Ninakaw?” ulit ko. Ang tingin ko ay nasa lalaki ng kaharap ko.

“Oo, ‘di ba ‘yun ang tawag kapag kinuha mo ang isang bagay na hindi naman sa ‘yo. Sa totoo lang, sakit na yata ‘yan ni Kristine,” patuloy ng lalaki bago humigop ng kape mula sa tasang dala pa yata niya mula sa original na lamesa na pwesto niya kanina.

“Kilala mo si Kristine?” Tila walang katapusan na tanong ko.

“Not really. Pero medyo matagal na rin kasi ako dito sa Barrio San Vicente, kaya medyo nakikilala ko na siya…” Ibinaba niya ang tasa ng kape at unti-unting sumeryoso ang mukha bago sinalubong ang mga tingin ko. “Pati na ang buong pamilya niya.”

Napalunok ako ng laway dahil sa huling sinabi niya. Para kasing may kakaiba sa tono ng pananalita niya. Parang may gusto siyang ipahiwatig na mas malalim ang kahulugan.

Muling gumuhit ang malapad na ngiti sa mga labi niya. “Oh bakit bigla kang sumeryoso. Kung ako sa ‘yo, puntahan mo na si Kristine bago pa magpatawag ng barangay o pulis ‘yung estudyanteng nagwawala.”

Tama siya. Masisira ang bakasyon ko kapag may dumating na mga pulis dito. “Sige, sandali lang. Babalik kaagad ako.”

“Alright. Ako nang magbabantay ng mga gamit mo. But since nan’dyan naman si Kristine sa counter, I’m pretty sure na safe ang mga ito.”

Napapailing na lang akong natawa sa sinabi niya bago tumayo at naglakad patungong counter.

“Good morning. Ano pong order nila?” bati sa akin Myra na ginagawang natural ang ngiti sa mga labi.

“Kristine…” mahinang tawag ko. Sinenyasan ko siyang lumapit na ginawa naman niya. Pasimple kong inilagay ang kamay ko sa bulsa ng apron niya kung nasaan din ang kamay niya. Tama ako. May bracelet nga akong nahawakan doon.

Bakas sa mukha ni Kristine ang pag-alala habang umiiling.

“Akong bahala,” nakangiting sabi ko. Umorder na ako ng pagkain kay Myra bago naglakad patungo sa loob ng C.R. ng café.

Humarap ako sandali sa salamin at sinuri ang sarili ko. Hindi pa naman oily ang mukha ko, nakapaglagay naman ako ng liptint sa mga labi ko at mabuti na lang ay nagsuklay ako bago pumunta dito sa café. Ipinuyod ko lang ng mataas ang buhok ko na hanggang balikat na nakaugalian ko na ring gawin. Nakahinga ako ng maluwag nang ma-realize ko na maayos naman ang pagmumukha ko ng muli kaming magkaharap ng misteryosong lalaki.

‘Teka, bakit ba ako nagwo-worry?!’ napapailing na bulong ko bago ako nagdesisyon na lumabas ng C.R. at naglakad patungo sa nagwawalang estudyante.

“If I know! Palaging may nakawan na nangyayari dito! Ilang classmate ko na kaya ang nawalan ng gamit dito sa café ninyo! Kung hindi nga lang malakas ang internet connection ng wifi ninyo, hindi talaga ako magtatagal sa lugar na ‘to!” bulyaw pa ng estudyante.

“Hi miss. Ito ba ‘yung hinahanap mo?” sabi ko nang makalapit sa kanila. Sabay silang tumingin sa akin ni Tita Aileen.

Namilog naman ang mga mata ng estudyante bago kaagad na lumapit sa akin at hinawakan ang bracelet na nasa kamay ko. “OMG! Ayan nga! My bracelet!” maarteng sagot niya at kinuha na mula sa kamay ko ang bagay na kanina pa niya hinahanap.

“Nakita ko kasi sa may lababo ng C.R. kanina lang,” nakangiting sabi ko.

“Thank you! Thank you talaga. Akala ko nawala na talaga ‘to!” aniya bago biglang kumunot ang noo niya nang mapatingin sa akin. “T-Teka. J-Junica Alcantara?!”

Nakangiti akong tumango.

“Another OMG! Ikaw nga!!!” muling maarteng sabi niya bago nagtatalon sa tuwa. Hindi maalis-alis ang tingin niya sa mukha ko habang inaabot ang bag niya sa lamesa.

Nakangiti naman akong tumango kay Tita Aileen ng pasimple niya akong tinapik bago siya umalis.

“Pwedeng magpa-picture?!” puno ng excitement na tanong ng estudyante.

“Oo naman,” kaagad na sagot ko.

At habang natataranta ang esudyante sa paghahanap ng cellphone sa loob ng bag niya ay nilingon ko si Kristine. Nabasa ko mula sa labi niya ang sa salitang ‘Thank you’ na sinagot ko ng thumbs up. Bumalik ang tingin ko sa lamesa kung nasaan ang mga gamit ko. At kagaya ng inaasahan ko, wala na do’n ang misteryosong lalaki na hindi ko man lang nalaman ang pangalan.

Nach oben wischen um fortzufahren

Recursion

Recursion

51 Kapitel

close

Einstellungen

close

A-
A+

Merriweather

Arial

Cabin

T

T

T

de

Deutsch

de
book

51

Inhalt

Aa