passion

My Passion

Działanie

Chicklit

Fantazja

Nowa dorosła

Paranormal miejski

Romans

Parno

Thriller suspens

YA/Nastolatki

Biblioteka
searchsearch
plpl

PL

Recursion - Rozdział #3 - autor Maria Ana Cruzate

Recursion

/

Rozdział 3

Chapter 1

Inihinto ko ang minamaneho kong kotse sa tapat ng isang malaking bahay na may dalawang palapag. Matingkad na asul ang pintura ng mga pader nito at ang pinto ay kulay berde naman. Ginawa nilang makulay para siguro makaagaw kaagad ng atensyon. Napapagitnaan ito ng isang coffee shop attindahan na hindi ko sigurado kung ano dahil pareho silang sarado. Kung hindi ako nagkakamali ay ito na nga ‘yung bahay na hinahanap ko, na may paupahang mga kwarto na nakita ko sa internet. Wala na kasing signal ng internet mula nang makalampas ang kotse ko sa arko na may nakasulat na “Welcome to Barrio San Vicente”, kaya kinailangan kong magtanong-tanong sa mga taong nadadaanan ko kanina dahil hindi na gumagana ang waze app sa cellphone ko. Mahina pa naman ako sa direksyon talaga.

Malamig na simoy ng hangin ang yumakap sa braso ko nang bumaba ako ng kotse dala ang isang maleta at laptop bag. Pinili kong umalis ng Maynila kanina bago magtanghali para dumating ako dito na medyo malalim na ang gabi. Bukod kasi sa hindi na masyadong mainit ang byahe ay wala pang traffic. Inilibot ko ang paningin ko sa paligid na ang mga poste ay may nakasabit na iba’t-ibang kulay ng banderitas. Senyales na malapit na ang fiesta sa lugar na ito na isa sa mga dahilan kung bakit ako pumunta dito.

Simple pero masaya raw ang selebrasyon ng fiesta dito sa Barrio San Viecente. May mga palaro sa mga bata at perya sa malapit. Isang maliit na bayan lamang ito na sinadya ko talagang hanapin sa internet para pagbakasyunan. Naniniwala kasi ako na makakatulong ang pagbabakasyon sa Writer’s Block na ilang buwan ko nang nae-experience. Ganito rin kasi ang ginagawa ng mga kilala kong sikat na manunulat. Nagbabakasyon sa lugar na malayo sa ingay at gulo ng Maynila. Malayo rin sa stress sa pamilya ko na hindi suportado ang pagsusulat ko.

Papasok na sana ako nang mapansin ko ang mga papel na nilipad sa may harapan ng kotse ko dahil sa malakas na hangin. Inabot ko ang mga ‘yon at wala sa loob na binasa ang nakasulat.

‘Missing Girl. 21 years old. 5’2 ang height. Maputi. Wavy ang buhok na hanggang balikat. May nunal sa kanang pisngi. Huling nakita na nakasuot ng pulang blouse at maong na pantalon. Kung sino man po ang nakakita sa kanya, pakitawagan ang cellphone number na nakasulat sa baba.’

“Ikaw ba ‘yung Junica na tumawag kahapon para magpa-reserve ng kwarto dito sa amin?”

Mula sa papel na hawak ko ay tumaas ang tingin ko sa babaeng nagsalita na hindi ko namalayang nakalapit na pala sa akin. Hindi siya katangkaran, medyo mataba rin at ma-wrinkles na ang mukha. Siguro ay ka-edad siya ng mommy ko na nasa mahigit singkwenta na rin. Hindi ako magaling kumilatis ng ugali ng isang tao na base sa hitsura nila. Hindi kagaya ng ibang kakilala ko na sa unang tingin pa lang ay naba-vibes na kaagad kung mabait o hindi ang isang tao. Pero sa matamis na pagkakangiti ng babaeng kaharap ko ngayon, mukha namang makakasundo ko siya.

“Opo, ako nga po,” sagot ko.

“Ako naman ‘yung nanay ng nakausap mo kahapon. Tita Aileen na lang ang itawag mo sa akin,” pakilala ni Tita Aileen. Kinuha niya ang mga papel mula sa kamay ko. “Ano ba ‘tong mga papel na ‘to. Sabi ng h’wag silang magpapakalat ng ganito para hindi natatakot ang mga tao dito sa amin.” Napapailing na sabi niya pa na halata ang pagkainis. “Writer ka raw sabi ng anak ko?”

Tumango ako bilang sagot.

Lumapad ang ngiti sa mapultang mga labi ni Tita Aileen. “Sobrang excited na ang anak ko na makita ka. Alam mo ba na sobrang fan na fan mo siya?”

“Talaga po?” Nagsalubong ang kilay ko pero nakangiti naman ako. Kaya pala gano’n ang boses nga kausap ko sa telepono kahapon nang tumawag ako para magpa-reserve ng kwarto.

“Oo! Halos kumpleto na nga siya ng mha librong isinulat mo eh. Ino-order niya pa ‘yun online dahil wala namang malapit na bookstore dito sa amin. At palagi niya ring binabasa ang mga bagong sinusulat mo sa Wattpad. Hindi talaga ako mahilig magbasa pero ‘yung anak ko na ‘yon, pinagpupuyatan ang mga sinusulat mo. Nai-kwento niya nga sa akin na may naisulat ka raw na tungkol sa babaeng nakapula na pumapatay, pagkatapos niyang basahin ‘yon ay ilang araw siyang hindi nakakatulog na patay ang ilaw dahil sa takot.” Natatawang patuloy na kwento ni Tita Aileen habang niyuyukot ang mga papel na hawak bago tuluyang nilagay sa bulsa. “At kahapon nga ay nagtatatalon siya sa tuwa nang malaman niyang ikaw pala ang kausap niya sa telepono. Gusto ka sana niyang hintayin at salubungin pero dahil malalim na ang gabi ay pinatulog ko na. Ang sabi ko ay makikita ka rin naman niya bukas kaya dapat ay magbeauty rest na siya para maganda rin siya kapag nagpa-picture sa ‘yo. Pero ang ganda-ganda mo pala talaga sa personal.”

Ngiti at tango na lang ang naisagot ko. Ang alam ko kasi ay mahina ang internet dito sa Barrio San Vicente, kaya hindi ko inaasahan na uso rin pala ang Wattpad dito. Sayang. Mas tahimik siguro ang magiging bakasyon ko kung hindi ako makikilala bilang isang writer sa lugar na ito. Sumunod na ako sa pagpasok ni Tita Aileen sa loob ng bahay. Gusto ko pa sanang magtanong kung ano ang ibig niyang sabihin kanina na natatakot ang mga tao sa lugar na ito, pero hindi ko na rin tinuloy.

Mas malaki ang loob ng bahay kaysa sa inaakala ko. Lumapit si Tita Aileen sa may maliit na lamesa kung saan may telepono at notebook sa ibabaw na sinimulan niyang buklatin. Inilibot ko naman ang paningin ko sa paligid ng waiting area. Makaluma ang style ng bahay na ito, kahoy ang sahig, ang disenyo ng sapin sa sofa ay puro bulaklakin at may mga nakasabit na painting sa dingding. Ang maliliit na sculpture na may iba’t-ibang disenyo umagaw ng pansin ko. Bawat sulok yata ng waiting area ay mayroon no’n. Scuplture ng ulo ng pusa, aso at kambing. Napako ang tingin ko sa inukit na kahoy na may dalawang kamay na magkasiklop. Nasa malapit iyon sa may pinto at wala sa loob na nilapitan ko. Napakaganda kasi ng pagkakagawa. Parang totoong mga kamay ng tao.

Nang yumakap ang malamig na hangin sa mga braso ko dahil sa bukas na pinto ay napatingin ako sa labas. Kumunot ang noo ko ng mapansin ang isang lalaki na nasa kabilang kalsada at naninigarilyo. Pinapaliwanag ng ilaw ng poste ang kinatatayuan niya. Matangkad ang lalaki, halatang alaga sa gym ang pangangatawan dahil sa suot na fitted na t-shirt at kahit na bahagyang natatakpan ng suot ng sombrero ang mga mata niya, malakas ang pakiramdam ko na sa akin siya nakatingin.

“Ang sabi dito sa record, nag-request ka raw na dito lang sa first floor ang room mo, tama ba?” tanong Tita Aileen.

Tumango ako nang salubungin ko ang tingin ni Tita Aileen.

“Sakto dahil may isa pang kwarto na bakante dito sa baba. Mas gusto kaso ng mga nagiging guest namin na kuhanin ang kwarto sa second floor kaya mas puno iyon madalas,” muling sabi niya bago inabot ang mga susi na pinagsama-sama ng isang keychain na paa na gawa rin sa inukit na kahoy. “Tara, sasamahan na kita sa magiging kwarto mo,” anyaya niya habang may matamis na ngiti sa mga labi.

Tumango ulit ako pero bago ako sumunod sa kanya ay bumalik saglit ang tingin ko sa labas. Napakunot ang noo ko dahil wala na ang lalaki sa kabilang kalsada. Nagbuga ako ng hangin bago naglakad. Masyado yatang maaga ang paglalaro ng imahinasyon ko. Pero namamalik mata lang ba talaga ako kanina?

Przesuń w górę, aby kontynuować

Chapter 2

Nang maisarado ko ang pinto ay inilibot ko ang mga tingin sa buong kwarto. Malaki iyon at pwede pag-stay-an ng hanggang apat na tao. May sarili ring banyo, maliit espasyo para sa kusina kung saan ay may divider na nakaharang, maliit na lamesa sa may tabi ng kama, at ang pinakapaboritoko sa lahat ay ang sulok na malapit sa bintana. May isa pa kasing lamesa do’n at swivel chair. Tamang-tama para sa ipinunta ko sa lugar na ito. Ang pagbabakasyon at pagsusulat.

Dumiretso ako ng upo sa may gilid ng kama kasunod ang pagbukas ng hindi kalakihang maleta na dala ko. Sinimulan ko na ring ilabas ang mga gamit ko mula doon. Mga isang buwan lang naman ang plano ko na manatili dito. Siguro naman ay sapat na ang mga dala ko para makapag-isip o simula ako ng isang bagong nobela.

Kilala ako bilang isang sikat na nobelista sa Maynila. Mga madudugong nobela na kung hindi brutal ang pagpatay na nangyayari sa mga character, ay hanapan naman kung sino ang totoong pumapatay at sino ang mga totoong biktima. Sa totoong buhay kasi ay maraming demonyo ang nagpapanggap na anghel at maraming inosente ang napagkakamalang kriminal. Kaya ang gusto ko ay alisan sila ng mga maskara kahit sa sariling mundo ko man lang.

Karamihan din sa mga libro ko ay naisa-pelikula na rin. Pagdating sa katatakutan, hindi iyon masyadong tinatangkilik sa pelikula lalo na dito sa Pilipinas, pwera na lang kung sikat ang mga artista na gumaganap. Kaya hindi ko alam kung paano nagiging blockbuster ang mga isinusulat ko kahit hindi sobrang sikat ang mga artista lalo na no’ng umpisa. Hanggang sa mga sikat na direktor at producer na ang kumuha ng mga nobela ko, sikat na rin na artista ang mga gumanap sa mga character na dati ay nasa loob lang ng isipan ko. Mas lalong naging mabenta ang movie adaptation ng mga nobela ko. Ang sabi nga nila, kapag narinig daw nila na mula sa librong isinulat ni ‘Junica Alcantara’ ang upcoming horror movie, kahit sino pang artista ang gumaganap ay paniguradong blockbuster na naman iyon.

At sa mga sumunod na libro ko ay mas lalo akong nakilala dahil sa pagiging best seller nito sa mga bookstore. Palaging in demand at out of stock. Kaya lalo ring pinag-aagawan ng mga kilalang producer ang mga sinusulat ko.

Pero nitong nakaraang taon lang ay bigla na lang akong nagising na parang hindi ko na alam kung ano ba ang susunod kong isusulat. Akala ko no’ng una ay tinatamad lang ako at kailangan ko ng pahinga. Minsan na rin kasing nangyayari sa akin ‘yun. Pero ang ilang araw na pagkatulala ko sa harap ng laptop ay umabot ng mga linggo at buwan. Hanggang sa wala na akong na-release na libro sa taon na ‘yon. Sobra rin ang panghihinayang ng publishing company kung saan ako nagsusulat dahil marami ang nag-aabang sa susunod na nobela ko. Kadalasan kasi ay nakakatatlong labas ako ng libro sa loob ng isang tao. Pero nitong nakaraan, wala talaga ni isa.

Pero pinilit ko naman eh, sadyang wala lang talagang mapiga na kahit na ano ang isipan ko. Naging moody rin ako at halos wala ng kinausap na mga kaibigan o kakilala sa writing industry. Hanggang sa madala ko na rin niya iyon sa loob ng bahay namin. Naging mainitin ang ulo ko na dinagdagan pa ng ilang beses na pagre-remind sa akin ng mga magulang ko tungkol sa visa application ko, na sila lang naman talaga ang may gusto. Dati pa kasi nila ako pinapasunod sa tita ko na nasa Italy. May negosyo kasi sila do’n na gusto nilang ako ang magpatuloy kahit wala naman akong kahilig-hilig pagdating sa gano’ng bagay.

Ang ilang buwan na hindi ko pagsusulat ay umabot ng mahigit isang taon. At nitong nkaraang buwan lang ay nakita ko sa internet ang tungkol sa Barrio San Vicente. Isang maliit na bayan sa Norte na hindi masyadong kilala pero masarap pagbakasyunan dahil sa tahimik na lugar, mapunong paligid at mababait na mga tao. At ng mga oras na ‘yun ay gumaw ako ng desisyon. Lalayo muna ako para makapagsulat.

Napahinto na ako sa ginagawa kong paglalabas ng mga gamit. Nahawakan ko ang isang picture frame kung nasaan ang litrato ko kasama ang mga magulang at nakababata kong kapatid na si Angel. Wala sa loob na napangiti ako. Nakaka-miss na kaagad sila. Lalo na ang kapatid ko.

*****

“Hindi ka na naman daw pumunta sa appointment mo for your visa application.” Bungad sa akin ni Mama nang makauwi ako sa bahay, mula sa ilang oras na pagtambay sa coffee shop para sana magsulat, pero kagaya ng dati, nakatatlong kape na ako pero blangko pa rin ang laptop ko.

“Junica, kinakausap ka ng Mama mo. H’wag mo kaming lampasan para magkulong na naman ng buong maghapon d’yan sa lintek na kwarto mo.” Ang boses ni Papa na nagpahinto sa gagawin kong pagpihit dapar ng door knob ng kwarto ko. “Bumalik ka dito at humarap ka sa amin kapag kinakausap ka namin.”

Nagbitaw ako ang ng malalim na buntong hininga bago tumalima sa kanya at naglakad pabalik sa sala. Actually, kahit hindi ko naman sila harapin o pakinggan ay alam ko na ang sasabihin nila sa akin. Alam ko na kung tungkol saan na naman ang mga sasabihin nila.

“Ano ba talagang plano mo, Junica? Ilang buwan ka nang paulit-ulit na ganito. Lumalabas at uuwi para magkulong na naman d’yan sa kwarto mo,” sabi ni Mama. Mahinahanon ang kanyang boses.

“Hindi pwedeng habambuhay ka na lang na ganito. Tumatanda ka na. Pero parang wala pa ring direksyon ‘yang buhay mo!” dugtong kaagad ni Papa na nagsisimula nang tumaas ang boses.

Hindi ko alam kung ano’ng ibig nilang sabihin na ‘ganito’. ‘Yung ‘ganito’ ba na walang akong stable job, isa lang akong freelance writer para sa kanila, walang negosyo na kagaya nila, graduate ng business management pero walang sariling negosyo o kung ano-ano pa. Hindi ko na alam kung ano’ng ibig nilang sabihin. O pwedeng alam ko rin pero ayoko lang intindihin.

Kilalang abogado si Papa, si Mama naman ay may malaking negosyo ng mga pabango at alahas dito sa Pilipinas pati na rin sa ibang bansa. At alam kong ikina-kasama ng loob nila na isa man lang sa propesyon nila ay hindi ko nakuha.

Pinilit nilang akong mag-take ng AB Political Science, at nasa ikalawang taon na ako nang sabihin ko sa kanilang hindi para sa akin ang course na ‘yun. Pinayagan nila akong mag-shift pero sa kurso rin na gusto nila, Business management.

Unang taon pa lang ay tinatamad na kaagad akong mag-aral. Wala naman akong bagsak na grades pero hindi ko rin pinag-eeffort-an na makakuha ng mataas na grades. Siguro gano’n talaga kapag ipinilit lang sa ‘yo ang isang bagay na hindi mo naman talaga gustong gawin. Communication Arts talaga ang course na gusto kong kunin, ayaw pareho ng mga magulang ko. Ano raw ba ang magiging trabaho ko pagkatapos kong mag-aral? Ano raw ba ang mapapala ko sa pagsusulat? Ano raw ba ang ipapakain sa akin kapag naging isang ganap na akong manunulat? Kaya ang ginawa ko na lang, habang nagpupursige ako sa pag-aaral sa kursong hindi ko naman talaga gusto, ay nagsulat ako sa mga online platform. Kahit paano kasi, sa mga online platform pakiramdam ko ay natutupad ko na ang pangarap ko. Ang maging isang ganap manunulat. Doon din ako nagsimulang makilala ng mga taong nagbabasa ng mga nobela ko. Marami akong natatanggap na positive comment. Meron ding negative. Pero siyempre, mas pinapansin ko ang mag positibo. Sa pagsusulat na nga lang ako nagiging masaya, palulungkutin ko pa ba ang sarili ko ng dahil lang sa mga taong gusto akong hilahin pababa?

Natapos ko ang pag-aaral ko na walang ako ibinabagsak na subject. Sinabihan kaagad ako nina Mama na ayusin na ang mga papeles ko dahil gusto raw akong kunin ng isang tita ko sa Italy para mamahala ng isang negosyo niya do’n na kasosyo si Mama. Humingi ako ng ilang buwan na pahinga. Kahit ang totoo, ayoko talaga umalis ng bansa, ayokong magtrabaho sa malayo at mas lalong ayokong mag-negosyo.

Pumayag naman sila sa bakasyon na hinihingi ko. Gamit ang ipon ko ay nagbakasyon ako ng mag-isa. Hindi pala ako mag-isa dahil sa lahat ng tabing dagat at bundok na pinuntahan ko dito sa Pilipinas ay dala-dala ko ang laptop ko. Wala akong ibang ginawa kung hindi ang isipin ang sarili ko at ang mga sinusulat ko. At dahil focus din ako ng mga oras na ‘yun sa pagsusulat ay mas nakilala ako sa social media. Mas marami kasi akong naisulat. Kaya unti-unti ay dumami ang mga followers ko sa mga online writing platform.

Patapos na ang huling buwan ng bakasyon ko. Ang sabi ko sa sarili ko, oras na talaga siguro para bitawan ko ang pagsusulat at mag-focus sa totoong mundo na matagal ng gustong ipamulat sa akin ng mga magulang. Lalo na at araw-araw pinapaalala sa akin nina Mama at Papa kung ano ang dapat kong maging buhay at trabaho. Nag-aayos na ako ng resume ko. Balak ko nang simulan ang pag-aapply ko pagbalik ko ng Maynila. Pero biglang nagbago ang mga plano ko nang makatanggap ako ng isag e-mail mula sa isang kilalang publishing company. Ini-invite nila ako na maging part ng company nila at i-publish ang mga as book ang mga nobela ko. Iyon ang simula ng lahat and the rest is history.

Naging sunud-sunod na ang mga offer sa akin paglabas pa lamang ng unang libro ko. Siyam na libro ang naisulat ko sa loob ng tatlong taon at halos lahat ay naisapelikula at teleserye na. At dahil kumikita na ako ng sarili kong pera, hindi ako muli pang pinilit ng mga magulang ko na magtrabaho o mag-negosyo. Hindi nila akong pinilit na gawin ang mga bagay na ayaw ako pero hindi rin nila ako sinuportahan. Hindi nila sinuportahan ang pagsusulat ko.

Si Angel… Ang nag-iisa at nakababata kong kapatid. Sa pamilya namin, siya lang ang sumusuporta sa akin. Kahit 7 years old pa lang siya, ramdam ko na ang buong pagmamahal niya.

“Junica? Ano?! Palagi ka na lang bang ganyan kapag kakausapin ka namin?” bakas sa boses ni Papa ang labis na pagkainis at pigil na galit.

Hindi ko alam kung saan ba sila nagagalit. Dahil ba sa hindi ako makapagsulat at walang akong kinikita na sariling pera, o dahil ayokong sumang-ayon sa gusto nilang pumunta ako ng Italy para tulungan ang Tita ko sa negosyo namin do’n. Pero baka pareho.

Bwiset na Writer’s Block kasi ito. Bakit kailangan na ako pa ang pag-trip-an?!

“Makinig ka kapag kinakausap ka namin, Junica. Hindi pwedeng palaging ganyan,” muling sabi ni Papa.

“Nakikinig naman po ako,” mahinang sagot ko.

Umupo na si Mama sa tabi ko. Ramdam kong kalmado na siya dahil ayaw niyang sabayan si Papa na nagsisimula na talagang uminit ang ulo. Kahit ang totoo, palagi namang mainit ang ulo niya sa akin. “Baka kailangan mo lang ng bakasyon sa pagsusulat. Kung… Kung pupunta ka ng Italy, baka sakaling do’n mahanap mo ulit ang inspirasyon mo.”

Saglit kong nakagat ang labi ko bago bumuntong hininga. Alam ko naman ang sitwasyon namin ngayon. Ang sitwasyon ko. Tapos na ako sa pag-aaral at ibig sabihin, tapos na rin ang responsibilidad nila sa akin. Ngayon, ako naman ang may responsibilidad sa pamilya na ‘to. “Magpapahinga po muna ako,” sabi ko bago tumayo at naglakad.

“Magpapahinga ka na naman?!” habol sa akin ni Papa.

“’Pa, tama na.” Mas mahinahon na ang boses ni Mama ngayon dahil alam ko na mas galit na si Papa.

“Eh ‘yang anak mo, wala ng ibang ginawa kung hindi ang talikuran tayo sa tuwing kinakausap natin siya! Napakabastos na bata. Wala na ngang naitutulong dito sa bahay, hindi pa marunong makinig. Saan ba talaga nagmana ang batang ‘yan!?”

Nagpatuloy ako sa paglalakad patungo sa kwarto dala ang laptop ko. Narinig ko pa ang ibang pang sinisigaw ni Papa.

Pabigat na anak.

Walang direksyon ang buhay.

Walang kwenta ang pangarap.

Pagkatapos kong isarado ang pinto ay dumiretso ako sa kama. Niyakap ang malaking unan at sinubsob doon ang mukha, bago tuluyang pinakawalan ang mga luhang kanina pa gustong magwala mula sa mga mata ko.

Tahimik akong umiyak habang ang puso ko ay parang dinudurog na dahil sa sakit na nararamdaman ko.

Kilala ako bilang isang sikat na manunulat na mahilig manakot at magpakaba ng mga readers ko. Sa mga booksigning event at premiere night ng movie adaptation ng mga nobela ko, palagi akong nakikita ng marami na nakangiti. Hindi ko alam kung napapansin ba nila na palagi ring malikot ang mga tingin ko. Dahil hinihiling ko na sana ay makita ko sa event alinman kayna Papa at Mama, na kahit kailan ay hindi nangyari. Kahit kailan ay hindi nila ko sinuportahan sa gusto kong gawin sa buhay ko. Hindi nila sinuportahan ang pangarap ko.

“Ate…”

Kaagad kong pinunasan ang mukha kong basa ng luha nang marinig ko ang boses ni Angel. Ang nag-iisang kapamilya kong palaging nagpaparamdam ng pagmamahal niya sa akin. Ang nag-iisa at nakababata kong kapatid. Malalim akong bumuntong hininga bago hinarap si Angel na hindi ko namalayang pumasok na pala ng kwarto ko.

“Oh bakit?” nakangiting tanong ko bago ko siya niyakap nang lapitan niya ako.

“Umiiyak ka ba?” inosenteng tanong niya. 7 years old pa lang siya pero pakiramdam ko ay hindi bata ang kausap k kapag siya ang kasama ko.

“Hindi ‘no, bakit naman iiyak ang ate?” nakangiting sagot ko habang pinipigilan ang muling pagwawala ng mga luha ko.

“Talaga? Libre mo nga ako ng McDo Fries, kung hindi ka talaga umiiyak.”

Tuluyan na akong napangiti habang unti-unting nawawala ng kirot sa may dibdib ko. Hinaplos ko ang mukha ni Angel kasunod ang mahigpit na yakap sa kanya. Alam na alam talaga niya kung paano pagagaanin ang loob ko.

*****

Bumalik ang gunita ko sa kasalukuyan dahil sa biglang pag-ring ng cellphone kong nasa ibabaw lang din ng kama. Kahit hindi ko ‘yon abutin, alam ko si Mama ang tumatawag kaya hinintay ko munang huminto iyon sa pag-ring. Hindi nga ako nagkamali ng kunin ang cellphone ko. May sampung missed call na siya mula kaninang tanghali. Nag-text na lang ako na nasa apartment na ako at bukas na lang ako tatawag dahil napagod akong mag-drive bago muling binitawan ang cellphone.

Tumayo na ako at nakangiting inilagay ang hawak kong picture frame sa ibabaw ng maliit na tokador na malapit sa kama ko. Inilagay ko rin do’n ang isa pang picture frame kung nasaan ang litrato naming dalawa ni Angel.

Isang malalim na buntong hininga pa ang binitawan ko. Unang araw ko pa lang siyang hindi nakikita ay nami-miss ko na kaagad siya. Napapailing na muli akong naglakad palapit sa bintana upang ibaba na ang kurtina pero kaagad rin akong napahinto sa plano kong gawin. Wala sa loob na pinatay ko ang liwanag ng lampshade na nasa ibabaw ng katabi kong lamesa.

Mula sa bintana kasi ay kita na ang kalsada sa labas na pinapaliwanag ng mga ilaw sa poste. Nakita ko na naman ang lalaking nakasuot ng maong na jacket. Humihitit-buga sa hawak niyang sigarilyo habang nakatingin sa bahay na kinaroroonan ko. Sa bintana ng kwarto ko. At sa pagpatay ko ng ilaw sa loob ng kwarto ko ay umayos siya ng tayo mula sa pagkakasandal sa may poste. Binitawan ang sigarilyong hawak bago iyon inapakan at nagsimulang maglakad palayo.

Hindi ako namamalikmata kanina. Mas lalong hindi ko siya guni-guni lamang. Pero sino ba ang lalaking iyon? Bakit parang sinusundan niya ako?

Przesuń w górę, aby kontynuować

Chapter 3

Andrew’s P.O.V.

“Dumating na pala ‘yung magbabakasyon dito na manunulat?” sabi ko nang maibaba ko ang malalaking kahoy na dala ko. Mataas na ang sikat ng araw sa labas pero hindi ko pa rin binubuksan ang gift shop na pagmamay-ari rin namin ng pamilya ko. Karamihan sa mga tinda ng shop namin na ‘to ay gawa sa inukit na kahoy. Wala rin akong planong magbukas ngayon.

“Talaga po?! Nand’yan na po siya?!” Nae-excite na tanong ng anak kong si Kristine. Nakapalibot sila sa bilog at maliit na lamesa kung saan nasa ibabaw ang mga tasa ng kape, plato tinapay at palaman.

“Oo, dumating siya kagabi,”sagot ng asawa kong si Aileen habang nagpapalaman ng tinapay.

“Sabi na mommy, dapat nagpuyat na lang ako kagabi,” nakalabing sabi ni Kristine. Hindi pa siya nakasuklay kaya sobrang buhaghag ng kulot niyang mga buhok.

“Malalim na ang gabi nang dumating siya dito, saka nang pumasok ako sa kwarto mo eh naghihilik ka na. Paano mo pa magagawang magpuyat?!” napapailing na tugon ng asawa ko bago bumaling ng tingin sa akin. “Halika na dito at mag-almusal ka muna bago mo trabahuhin ‘yang mga kahoy na ‘yan.”

Tumalima ako at umupo na sa nakareserbang upuan na para sa akin. Inabot ko ang tinapay na pinalaman ni Aileen at kinagatan ‘yon. Naisip kong hindi na muna ako magbubukas ng shop ngayon. “Kumusta naman siya? Mukha bang mabait at hindi gagawa ng gulo?”

“Mukha naman. Walang kayabang-yabang sa katawan. Parang hindi sikat na manunulat kung kumilos,” sinundan ni Aileen ng paghigop ng kape ang sinabing iyon. Kilala ko siya bilang magaling manuri ng isang tao sa unang tingin pa lang. Pero siyempre, hindi lahat ng sinasabi niya ay palaging tama. Ilang beses na rin siyang nagkamali. Ilang beses na kaming muntik nang mapahamak. Ang problema kasi sa asawa ko, mabilis siyang magtiwala.

“Mabait po talaga siya, mommy. Kaya nga po ang dami niyang followers sa Wattpad at Facebook page niya,” dagdag pa ni Kristine habang ngumunguya.

“Ayan na naman kayo sa bait-bait na ‘yan. Ang kabaliwan ng isang tao, wala ‘yan sa hitsura. Nasa pag-iisip niya ‘yan,” tugon ko.

“Daddy, hayaan ninyo na po siya sa akin. H’wag ninyo na po siyang pakialaman,” nakangiting sabi ni kristine. “Ako pong bahala sa kanya.”

“No’ng huling beses mong sinabi ‘yan, Kristine, muntik na tayong mapahamak. Alam ninyo naman ang gusto ko ‘di ba? Tahimik na buhay sa lugar na ‘to,” seryosong sagot ko. Inilibot ko ang paningin ko sa paligid. Makalat ang mga kahoy. Marami ring langaw na lumilipad. At may mga sariwang karne na nasa timba hindi kalayuan sa amin. Mga giniling na karne na gagamitin ng asawa ko sa mga lulutuin niya mamaya para sa mga kakain sa Vida Feliz Cafĕ. Napailing ako. “Ipalinis mo na ‘tong kalat mamaya kay Tony nang makapagbukas na ulit ako ng shop ko.”

“Sige, ako nang magsasabi sa kanya,” ani Aileen. Nakangiti siyang muling nagpapalaman ng tinapay. Gustung-gusto niya kasi na pantay ang pagkakalagay niya ng palaman. Kapag may kaunting lumampas, itatapon na niya ang tinapay.

“Siguraduhin niya kamo na ibabaon niya nang malalim ang mga matitirang buto d’yan sa timba. Mahirap na. Baka umalingasaw pa rin ‘yan kahit konti na lang ang laman,” dagdag ko pa.

“Bukas ng umaga, wala na ang mga kalat na ‘yan. Mabilis namang magtrabaho ‘yon si Tony, kayang-kaya niya na ‘yan.” Inabot ni Aileen kay Mama ang kutsilyo na ginagamit niyang pamplaman kanina. Kumislap pa iyon dahil sa talim. Mukhang nahasang mabuti ng asawa ko.

Nabaling ang tingin ko sa bagay na nasa ibabaw ng platitong kaharap ng Mama ko na nasa mahigit otsenta na ang edad. Tatlong pirasong malambot na bagay na may kalahating dangkal ang mga haba. Nang sinimulan niya iyong hiwain gamit ang matalim na kutsilyo ay sumirit pa ang mapupula at malalagkit na likido mula doon. Mabuti na lang at sa hindi iyon tumama sa damit niya. Napangiwi ako nang makita ko ang kakaibang ngiti sa mga labi ni Mama at ang kislap sa kanyang mga mata, halatang enjoy na enjoy siya sa ginagawa niya. Lalo na ng isubo niya ang isa sa mga daliring hiniwa niya. Nilunok ko muna ang kinagat kong tinapay bago muling nagsalita. “Ikaw Kristine, bantayan mo ‘yang Lola Harlie mo. Kung sikat na manunulat ‘yang idolo mo na nandito ngayon sa lugar natin, ilayo mo siya d’yan sa lola mo. Kung ayaw mo na pare-pareho tayong mapahamak dito.”

******

JUNICA’S P.O.V.

Nakasisilaw na liwanag na tumatagos mula sa nakababa at manipis na kurtina ang sumalubong nang imulat ko ang mga mata ko. Muli tuloy akong napapikit habang inaabot ang cellphone sa ibabaw ng maliit na tokador na katabi ng kama ko.

‘Alas otso na pala?’ bulong ko nang makita ko ang oras mula sa hawak ko. Ibabalik ko na dapat iyon nang biglang mag-ring. Saka ko lang napansin na may mahigit sampung missed call na pala kasi si Ms. Amor Flores. Nagpaparamihan yata sila ng tawag ni Mama.

“Oh my God, Junica! At last, sinagot mo na ang tawag ko! Alam mo bang malapit nang mapudpod ang daliri ko kaka-dial ng number mo?!” bungad agad sa akin ni Ms. Amor. Siya ang edito ko sa publishing company kung saan ako nagsusulat.

“Good morning, editor,” medyo inaaantok na sagot ko.

“Konti na lang talaga maba-bad morning na ako. Kung hindi mo lang sinagot ang tawag ko, baka sirang-sira na ang araw ko ngayon!” medyo O.A. pang sabi ni Ms. Amor. “Nasaan ka ba ngayon? Bakit buong araw kong hindi makontak ang number mo kahapon?”

“Nagbabakasyon lang po.” Bumangon na ako at naglakad papunta sa may bintana upang buksan ang kurtina. At nang buksan ko ang bintana ay pumasok sa loob ng kwarto ang malamig-lamig pang simoy ng hangin na dahil na rin sa mapunong paligid. Napapikit tuloy ako para mas maramdaman iyon.

“Bakasyon? Saang lugar ‘yan?! Bakit hindi ka man lang nagpaalam sa akin?!” mataas na ang boses ni Ms. Amor. Minsan talaga, medyo O.A. magsalita at mag-isip ‘tong editor ko. Kung ang ibang writer niya ay takot kapag nagtataas siya ng boses kagaya ngayon, ako naman ay tinatawanan ko na lang ‘yon. Wala eh. Nakasanayan ko na lang din na ang dating sa akin ng pagsusungit ng boses niya ay paglalambing.

“Malapit lang po, editor.”

“Saan nga?” pangungulit pa niya.

Napapangiti akong umiling. Hindi yata talaga magpapatalo ang kausap ko. “Sa Barrio San Vicente po.”

“Sa may bandang norte na ‘yun ‘di ba? ‘Yung lugar na binanggit mo sa akin dati? Kasama mo ba ang parents mo?” bumakas ang pag-aalala sa boses niya.

“Hindi po. Matanda na ako editor, kaya ko na ang sarili ko,” natatawang sagot ko. 27 years old na kasi ako, kaya bakit kailangan pa akong samahan ng parents na magbakasyon?!

“Pero alam naman nila kung nasaan ka ‘di ba? I mean, ‘yung address d’yan o kung paano pumunta d’yan. Binigay mo ba sa kanila ang information na ‘yun?” tila walang katapusang tanong pa niya.

“Opo,” pagsisinungaling ko. Alam ng parents ko na nasa norte ako pero hindi exactly kung saan. Baka kasi bigla na lang silang sumulpot dito at sunduin ako. “Saka, nandito rin po ako para subukang magsulat ulit. Alam ninyo na, baka dito ko mahanap ‘yung inspirasyon ko na bigla na lang nawala.”

Narinig ko sa kabilang linya ang malalim na pagbuntong hininga niya. “Oh sige, sana nga makapagsulat ka na. Kasi marami ng readers ang naghihintay sa magiging bagong nobela mo.”

“Sana nga po, editor. Nami-miss ko na rin talaga magsulat eh.” Ako naman ang naalungkot. Sa totoo lang, mahirap para sa isang writer na kagaya ko ang hindi makapagsulat. Lalo na at ito lang ang alam ko na kaya kong gawin. Ang kagaya kong ipagmalaki sa mga magulang ko, at sa mga tao na minsan akong sinabihan na walang mararating sa buhay. Ito lang ang kaya kong gawin… Pero noon ‘yun. Hindi na ngayon. Para bang hindi ko na kayang magsulat pa ni isang salita na para sa nobela ko.

“Junica, okay ka lang ba d’yan?”

Pasimple akong bumuntong hininga at naglakad na patungo sa upuan, na kaharap ang isang study table kung nasaan ang laptop ko. “Oo naman po, editor. Pero ibababa ko na rin po ‘tong tawag. Subukan ko munang magsulat kahit scratch na plot lang.”

“Okay. Balitaan mo ako, kaagad ha? Ingat ka d’yan at h’wag mo akong kalimutan na i-update, time to time,” bilin niya.

“Yes po, editor.” Binuksan ko na laptop habang ang cellphone ay nakaipit sa pagitan ng tainga at balikat ko.

“And Junica, one more thing…”

“Ano po ‘yun?” tanong ko. Nabakasan ko ang kaseryosohan sa boses niya kaya nang magbukas na ang laptop ko ay hinawakan ko na muli ng isang kamay ang cellphone ko.

“Mag-iingat ka d’yan, ha? Tawagan o i-text mo ako palagi.”

Napangiti ako sa sinabi niya. Limang taon lang naman ang tanda niya sa akin pero halos naging nanay-nanayan ko na siya pagdating sa mundo ng pagsusulat. Siya kasi ‘yung umalalay sa akin at nagtama ng mga mali ko sa pagsusulat ng isang nobela. At siya ang dahilan kung bakit at paano ko natupad ang isa sa mga pangarap ko. Ang maging isang manunulat at magkaro’n ng sariling mga libro.

“I will, editor. Thank you po. Bye.”

Muli ako napabuntong hininga bago isinandal ang likod ko sa kahoy na sandalan ng upuan. Bumaling ang tingin ko sa nakabukas na laptop. Halos mag-iisang taon na rin akong hindi makapagsulat. Hindi ko na nga rin maintindihan ang sarili ko. Dati naman, isang buwan lang ay nangangalahati na ako sa nobelang isinusulat ko. Pero ngayon, ni walang ideya na pumapasok sa isip ko para gawin kong plot.

Hindi madali para sa isang manunulat ang hindi makapagsulat. Para sa amin ay isa talagang malaking problema ang pag-atake ng salitang writer’s block. Winawasak nito ang aming imahinasyon. ‘Yung gustung-gusto ko nang makapagsulat, pero ayaw makisama ng isip ko. Hindi ito isang katamaran lang. Isa itong sumpa para sa aming manunulat.

Napapailing na muli kong sinarado ang laptop ko. Ayoko ng pilitin pa. Wala talaga akong maisusulat ngayong umaga. Nabaling ang tingin ko sa picture frame na katabi ng laptop ko. Hindi ko na napigilan ang ngiti ko bago iyon inabot. Ang picture namin ng nag-iisa kong kapatid na si Angel. Ang nag-iisang tao sa buhay ko na nakakapagpagaan ng loob ko.

*****

“Ang ganda naman ng kamay mo ‘neng.”

Mula sa kaharap kong laptop ay napataas ang tingin ko sa matandang babae na hindi ko namalayang nakalapit na sa akin, at nakaupo sa katapatan kong upuan. May maliit na lamesang nakapagitan sa amin. Matamis ang ang pagkakangiti ng kanyang maputla at medyo bitak na mga labi. Malalim ang wrinkles sa kanyang mukha at leeg. Pero mukhang masayahin ang bilugan niyang mga mata.

Bago magtanghalian kanin ay lumabas na ako ng kwarto ko at pumunta dito sa Vida Feliz Café para pagsabayin ang almusal at tanghalian. Ang alam ko ay pagmamay-ari din nina Tita Aileen ang coffeeshop na ito na hindi naman kalakihan pero sakto lamang para sa maliit na Bario San Vicente. At dahil dito lang may wifi connection ay naisipan kong dito na rin magpalipas ng oras.

“Ano po ‘yun, Lola?” Tanong ko nang maalis ko ang earphone mula sa magkabila kong tainga. Narinig ko naman ang sinabi niya. Gusto ko lang makasigurado na hindi ako nagkamali ng pagkakaintindi.

“Ang sabi ko, napakaganda ng kamay mo ‘neng. Pwede ko bang mahawakan ang mga kamay mo?” balik tanong niya.

Kumunot ang noo ko bago pilit na ngumiti. “S-Sige po.”

Inilapit pa ng matandang babae ang kanyang upuan sa akin. At bago ko pa maiabot ang mga kamay ko ay nagawa niya na iyong hawakan at bahagyang hinila. Naramdaman ko ang gaspang ng kulubot niyang mga kamay sa balat po. Hinaplos niya ang mga palad ko hanggang salikod nito kasunod ang marahang pagpisil. Sa totoo lang ay medyo nawi-weird-an ako sa ginagawa niya. Lalo na sa malaking ngiti sa kanyang mga labi at kakaibang kislap sa mga mata. Para siyang bata na ngayon lamang nakakita o nakahawak ng pares ng mga kamay ng isang tao.

“Napakaganda ng mga kamay mo…” aniya bago iyon bahagya pang hinila at inihaplos sa kanyang ma-wrinkles na pisngi. Lalo akong napakunot ng noo nang ipikit niya pa ang kanyang mga mata upang damhin ang mga kamay ko. Gusto ko na nga sana itong bawiin kaya lang ay nag-alangan ako, dahil sa tuwing susubukan kong gawin iyon ay humihigpit ang pagkakahawak niya sa mga kamay ko.

“Naku Lola Harlie! Nand’yan lang po pala kayo, kanina ko pa po kayo hinahanap!” Isang babae ang humahangos na lumapit sa amin. Medyo may katabaan siya pero hindi naman sobra, bilog ang mga mata niya, may dimple sa kanang pisngi at hanggang balikat ang kulot na buhok. Malaki ang pagkakahawig niya kay Tita Aileen, kung hindi ako nagkakamali, ito ang anak na tinutukoy niya kagabi. “Naku pasensya na po kayo sa lola ko, ganito lang po talaga siya pero – J-Junica? Ms. Junica Alcantara?!”

Nakangiti akong tumango nang magkasalubong ang tingin namin ng babae.

“Naku! Ikaw pala ‘yan! Sandali lang ha. Myra! Myra, pakialalayan nga si Lola Harlie dito!” tawag niya bago lumapit ang isa pang babae na tinawag niyang Myra.

Binitawan naman na ni Lola Harlie mga kamay ko nang alalayan siya ni Myra, at naglakad sila pabalik sa may counter na may pinto papasok ng kusina nitong coffe shop.

“Ikaw pala ‘yan Ms. Junica, hindi kaagad kita nakilala! Ang ganda-ganda mo lalo sa personal! I’m Kristine nga pala, anak no’ng babae na sumalubong sa pagdating mo kagabi,” pakilala ni Kristine sa sarili niya pagkatapos na umupo sa kanina lang ay pwesto ni Lola Harlie. Inilahad pa niya ang kamay niya na nakangiti ko namang inabot. “Ang lambot-lambot ng kamay mo! Grabe! Ang ganda-ganda mo talaga! Sobrang fan mo ako kahit sa Wattpad pa lang nagsusulat dati.”

“Talaga?” nakangiti kong tanong. Tant’ya ko ay nasa 16 o 17 yeats old na ‘tong si Kristine. Hindi na ako magtataka dahil karamihan talaga sa mga nagiging readers ko ay kabataan na kagaya niya.

“Oo! Sobra! Halos nabasa ko na nga ‘yung lahat ng sinulat mo. At kumpleto rin ako ng mga books mo na ino-order ko pa sa Shopee at Lazada! Mamaya dadlahin ko ‘yun sa kwarto mo para papirmahan sa ‘yo, okay lang ba?” Bakas na bakas sa kanya ang sobrang excitement habang kausap ako.

“Oo naman,” nakangiti ko pang sagot. Ako na ang bumawi ng mga kamay ko nang hindi niya ito kaagad binitawan.

“Sobrang favorite ko talaga ang mga stories mo, lalo na ‘yung pinakahuli na ‘Habulang Saksakan’, sobrang morbid no’n pero sobrang nagustuhan ko. Nabitin nga ako eh. Pero pansin ko lang, parang wala ka pa rin ngayong sinusulat sa Wattpad. May pinaghahandaan ka ba ng bagong nobela? Siguro kaya ka nandito kasi gusto mong gawin set up ng story mo ang barrio namin ‘no? Baka naman pwede mo akong gawing bida? O kahit kontrabida pa. ‘Yunt tipong ako ‘yung humahabol at sumasaksak! Gustung-gusto ko ‘yon! Lalo na kapag lumalabas na ‘yung laman loob nila! Tapos dudurugin ko gamit ang mga kamay ko.”

Hindi ko kasi alam kung matatawa ba ako o mawi-weird-an sa mga sinasabi ni Kristine. Para kasing nagde-day dreaming pa siya habang nagsasalita. Iniimagine niya yata na ginagawa niya talaga ‘yung mga sinasabi niya. Mahilig akong magsulat ng madudugong kwento pero never kong naimagine ang sarili ko na humahabol at sumasaksak ng isang tao o kahit hayop pa.

“S-Sorry… A-ang ibig kong sabihin, sa nobela mo. Gusto kong maging gano’n sa nobela mo lang siyempre.” Biglang bawi niya sa mga sinasabi niya ng mapansin na ang pagtataka sa mukha ko. Inilabas niya ang cellphone mula sa bulsa niya bago lumapad ang ngiti sa mga labi niya. “Pwede bang magpa-picture.”

“Oo naman, sa cellphone ko rin mamaya,” nakangiting sang-ayon ko. Idinikit niya na ang upuan niya sa tabi ko bago kami nag-selfie na dalawa, pagkatapos ay sa cellphone ko naman kami nag-picture.

“Grabe! Maiinggit ang mga kaibigan ko nito! Ita-tag kita ha? Ay hindi mo pa pala naa-accept ‘yung friend request ko,” sabi niya.

“I-add mo ulit ako tapos i-tag mo ako s apicture, para ma-accept ko,” nakangiting sagot ko.

“Yehey! Sabi mo ‘yan ah! Teka, ire-refresh ko lang ‘yung friend request ko sa ’yo.”

Hindi na bago sa akin ang ganitong reader na lumalapit at nagpapa-picture. Nakakatuwa at nakaka-touch at the same time. Minsan nga hindi pa rin ako makapaniwala na nakikilala na talaga ako sa iba’t-ibang lugar. Ang lakas lang maka-artista ng feeling.

May iba pang sinabi si Kristine na hindi ko na halos naintindihan. Inilibot ko ang panign ko sa paligid, para kasing bigla kong naramdaman na may nakatingin sa akin. Hindi nga ako nagkamali ng magtama ang tingin ng mga mata namin ng isang lalaki na nakapwesto hindi kalayuan mula sa akin.

Siya ‘yung lalaki kagabi. Nakasuot pa rin siya ng cap pero hindi na nito natatakpan ang mga mata niya. Kaya ngayon ay sigurado ako na nasa akin ang tingin ng singkitin niyang mga mata. Habang ang mga kamay niya ay may hawak na tasa ng kape na umuusok pa.

“Ayan! Na-refresh ko na Ms. Junica, accept mo please!” ang boses ni Kristine na pumutol ng pagtititigan namin ng estrangherong lalaki.

“Oo naman, ia-accept ko kaagad mamaya.”

“Thank you! Oh sige babalik muna ako sa counter, baka maabutan ako ni mommy na ginugulo kita dito. Enjoy your meal! Nice meeting you ulit!” sabi niya bago siya tumayo at nagmamadaling umalis.

Muling bumalik ang tingin ko sa lalaki. Sakto namang ibinaba na niya ang hawak niyang tasa na pakiramdam ko ay hindi pa nangangalahati ang laman, o lumalamig man lang, dahil umuusok pa rin iyon. Tumayo na siya, saglit niya pa akong tinapunan ng tingin bago napapailing na lumabas ng Vida Feliz Café.

Przesuń w górę, aby kontynuować

Recursion

Recursion

51 Rozdziały

close

Ustawienia

close

A-
A+

Merriweather

Arial

Cabin

T

T

T

pl

Polski

pl
book

51

Treść

Aa